Ating Alamin

Mga Sangkap Upang Magwagi (Part 1)

 

Ni Tommy de Vera (TDV)

 

Sa ngayon ay napakaraming bagay na nasusulat o napapanood tungkol sa mga tamang pamamaraaan ng pagkakalapate kung kayat nalilito ang mga fanciers na baguhan at maging ang mga beterano na. Ano nga ba ang mga simpleng impormasyon at kaalaman upang magtagumpay sa sport na “pigeon racing”.  Tawagin natin itong mga sangkap upang magtagumpay.

 

1. Ang Loft o Kulungan ng Kalapate

Hindi kailangang maging grande at napakalaki ng loft. Itugma ito sa budget na kaya mo na hindi makakabigat sa gastusin ng iyong tahanan. Gawin itong matibay na kakayanin ang pangkaraniwang bagyo at hindi makapipinsala. Bigyan diin ang mahusay na ventilation o lagusan ng hangin na ang temperature ay hindi gaanong mag-iiba pagdating ng gabi. Importante sa lahat na maraming sobrang perches o tungtungan ang mga ibon upang may motivation o gana silang umuwi sa kanilang loft at hindi nag-aagawan sa perches. Anumang sistema ng pangangarera ang gamitin natin, ang pagmamahal ng ibon sa kanyang loft o kapares ang unang magdadala ng tagumpay sa atin, at kung madali mong matutunan iyon..ang tagumpay ay napakalapit sa iyo. Kaya dapat sapat lang ang dami ng alaga natin sa laki ng loft na ating itatayo. Ang sahig ay itugma sa oras na pwede mong gugulin sa paglilinis nito. Mahalaga na ito ay madaling linisin at napapanatiling tuyo. Ang pagpasok ng ulan sa loft ay pagukulan ng pansin. Iharap ang loft o landing board kung saan madalas magiging salubong ang hangin pagdating ng ibon sa karera (hangin ay galing sa likod ng loft), upang madali itong dumapo. Lagyan ng removable flypen mula sa landing board (kahit kalahate lang nito) paakyat ng bubong (kahit 2 feet lang ng harap ng bubong ng loft) upang madaling maturuan ang mga inakay at mabawasan ang fly-away o pagkawala. Dapat itong alisin kapag marunong na mga ibon at lagyan ng “picket fence” ang kapaligiran ng roof para derekta sa landing board ang dapo ng ibon. Mainam na ang landing board ay hanggang dibidib lang ng fancier ang taas at kasing haba ng kamay niya ang lalim nito upang madaling turuang pumasok ng trap door ang mga ibon at hind sila maging mailap. Magalingkung ang sikat ng araw ay nakakapasok sa loob.

 

2. Ang Pamimili ng Ibon

Sa pagbili ng kalapate ang karamihan ay sa mata ng ibon tumitingin (eye-sign) ngunit ang payo ko ay sa mata ng nagbebenta dapat tumimgin, sapagkat marami ang hindi tapat sa pagbebenta ng ibon kahit sa Europa. Nauso na pati DNA certificate dahil sa laki ng halaga ng mga ibon ngayon at ng laganap na pangdaraya ng mga “champions”. Ilang bagay na dapat pagukulan ng masusing pagtingin sa pagbili at pamamaraan nito ay ang mga sumusunod:

 

1.       Ang pangkalahatang reputasyon ng breeder.

2.       Ano ang resulta sa karera ng ibon niya sa sariling loft.

3.       Ano ang resulta sa karera ng mga ibon niya sa ibang mga loft na meron nito.

4.       Ang top breeders ba niya ay may mataas na porciento ng inilalabas na magaling..20% ay maituturing ng mahusay.(Siempre mas mataas, mas mainam)

5.       May mainam na pamamaraan ba siya ng paglista ng pedigree o linyada ng kanyang mga alaga upang maging gabay niya o gabay mo sa pag-breed kung sakaling bumili ka. Hindi tayo bumibili ng ibon dahil lang sa pedigree ngunit importante ito sa magiging pamamaraan mo ng breeding kung tapat ang pagkakagawa nito. Ang pagbili ng related na ibon na mahusay ay mas magbibigay ng mataas na posibilidad na maging magaling din ang mga anak.

6.       Mahal ang pagbili ng subok ng ibon sa karera at maaring mahusay lang ito sa karera at hindi sa breeding ngunit mas malamang ang chance mong magtagumpay na makakuha ng napakahusay na breeder sa ganitong pamamaraan. Ang tanong lang ay..gaano kamahal makakaya mong bilhin. Dahil sa pakikipagkaibigan, masuwerte akong nagkaroon ng mga “champion birds” na regalo lang. At iyon ang unang maipapayo ko sa inyo. Hindi man kayo bigyan ng champion maaring pahiramin kayo o bigyan ng itlog o inakay ng isang kaibigan.

7.       Ang pagbili ng tumatandang mga breeders sa mga champion lofts ay isang mahusay na pamamaraan ng pagkuha ng mga subok na breeders kung ilalabas na nila ang mga ito. Isang magandang halimbawa ay ng mapakiusapan kong maglabas ng mga “retiring breders” ang kumpare at idol kong si Vicente Ngo sa mga PSP members. Pinapili ko mga PSP members at iniwan nila sa akin ang isang pares na natira nila. Ang anak nito ang ipinares (outcross) ko sa aking subok na linyada at resulta nito ay si “Double Frisco” (PHA-96-61504) na dalawang beses nanalo ng karera sa San Francisco, Leyte sa magkasunod na taon at maging ang nestmates ng line na ito na sina “Frisco Girl” at Frisco Boy” na nag-champ at 2nd sa San Francisco, Leyte at hanggang ngayon ay nananalo pa linyada sa ibang loft.

8.       Mag-ingat sa pagbili ng breeders lalo kung imported ito dahil sa posibilidad na nasubukang palpak na ito bilang breeder. Alamin ang dahilan ng pagbenta kung pasado para sa iyo.

9.       Ang pinaka-magastos na pamimili ng ibon ay sa pamamagitan ng “Auction” na kung saan ay magpapataasan kayo ng bid o lahok sa isang ibon na madalas ay may napakagandang linyada o nagawa sa karera. Dito mahalagang makita at masuri ang pedigree kung marami sa linyada nito ang dati ng nagpapanalo.  Sa ngayon, dito hinhanap ang DNA certificate, patunay na totoo ang linyada ng ibon kung mamahalin ito.

10.    Ang pinakamagandang pamimili ng ibon ay sa mga “total sale” o yung patigil na sa sport ang fancier. Nabigyan ako ng foundation breeders sa ganitong pagkakataon bagamat hindi ko binili kundi regalo lang noong bago ako sa sport. Nabuo ko ang pinatibay kong bloodline sa pamamagitan ng masusing pagpili sa breeding ng subok na matatag sa mga pahirapang karera  at pag-alis ng mga hindi pumasa sa aking pagsusuri.

 

3. Pag- training ng Ibon

Napakaraming pamamaraan ng pagtuturo sa ibon bilang preparasyon sa karera. Halos bawat fancier ay may sistema. Sa aking loft ito ang sistema ko, na maaring katakutan ng iba baka mawala ibon nila.

1.       Bumili ako ng mapa ng Pilipinas na madaling makita mga lugar ng karera (race points) at minamarkahan ko ng pulang tuldok ang mga ito. Ginuguhitan ko ng “marking pen” lahat ng race points papunta sa aking “loft location”. Mapapansin na habang papalapit sa aking loft sa Maynila ang mga guhit ay nagsasama-sama. Kung sa Norte karera, kaliwat-kanan kalalabasan nito. Sumusukat ako ng mga 75- 90 kms mula sa aking loft hanggang sa kung saan nagsasama-sama ang mga iginuhit ko sa mapa. Kung saan doon may magandang kalasada doonko binibitawan mga ibon ng 3 beses sa isang lingo o higit pa depende sa panahon. Kahit karera na kung may oras ako tuloy ang pagtuturong ito ngunit minsan ay 2 beses na lang. Dito sa minarkahan kong 75-90 kms (sa akin ay Cabiao) ang tinatawag kong ``Breakpoint`` na kung saan ay doon ko paulit-ulit na binibitawan ang aking team.

2.       Limang lingo bago ang karera ng club ang simula ng “training toss” ko. Tapos na silang bigyan ng mga gamut contra bulate, canker at Coccidiosis..at maging Pox vaccine at PMV. Sa unang pagtuturo ko ng mga “young birds” dinadala ko sila sa 35 kms.o higit pa. Bago uminit ang sikat ng araw, binibitawan ko na sila. Pinagpapahinga sila ng 15-30 minuto sa “training box” bago ko paalpasan. Naniniwala ako na sila ay umiikot ng mga 10 kms paikot (20 kms radius) sa bahay kung kaya ang unang bitaw na 35 kms ay sapat para gamitin nila ang kanilang mga utak at mawala na agad ang mga mahihina. Sa sistemang ito lalo akong hindi nawawalan ng ibon. Grupo muna sila sa una at sa sumunod ay tatluhan na lang (Joe Rotondo Style). Sa training na ito pinakakain ko sila ng kaunti bago mag-basket dahil ang mabilis na trapping o pagpasok sa loft ay maaga kong naituro sa kanila. Tatluhan ang bitaw ko at hindi isahan (single toss) upang hindi maglagalag kundi magkakarera silang tatlo pauwi at mas madaling matatapos ang training. Hindi rin nila pansin ang mga madadaanang mga grupo ng kalapate hindi tulad ng `single tossing`.

3.       Hindi ko sinasamahan ng “Old Birds” ang mga bata sa pagtuturo upang mas matuto sila. Tatlo hanggang 4 na beses sila sa 35 kms at pagkatapos sa ikalawang lingo ay 3 beses sa 55 kms. Sa ikatlong linggo ay 3 beses sa 75 kms (Martes, Miyerkules, at Biernes) at isang 100 kms (Linggo). Sa ikaapat na lingo ay 3 beses sa 75 kms at isang 150 kms. Sa ikalimang lingo at ang kasunod ay karera na ng club ay 3 beses sa 55 kms.

4.       Hindi ko sila ibinabato kung malakas ang ulan, napakalakas na pasalubong na hangin o madilim dahil sa “fog”. Kapag ambon lang o medyo madilim, binibitawan ko pa rin sila. Kung hirap ang tatluhankong bitaw sa ibon dahil sa panahon, binibitawan ko buong grupo. Ang training ko ay itinitigil kung araw na ng pagdadala sa club para sa karera (basketting day).

5.       Sa mga araw na ako ay busy dinadala ko sa club training ang mga ibon.

6.       Kahit sa karera na. ang mga ibon ko ay binibitawan ko pa rin 3 beses isang lingo, hanggang umabot ng 450 kms ang karera ng club. Hindi ko gawain ang “force flying” sa aking loft. Kung tinatamad na silang umikot minsan, pagpasok nila ay pinapahinga ko sila ng 10 minuto pagkatapos ay palipad uli ng ilang beses, may inumin ngunit sa huling pagpasok pa nila ang pagkain.

7.       Sa panahon ng karera, ang mga nahuling dumating ay lumiliban sa training tosses hanggat hindi maigi ang kalagayan.

8.       Kapag umabot ng 100 kms. ang training, sila ay binibigyan ko na ng ``Colombine Vitaminized Glucose``sa inumin. Tuwing lunes ang inumin nila ay nilalagyan ko ng honey.

 

Approved for printing for public use: Tommy de Vera