MAHALAGA ANG PAGLILINIS NG KULUNGAN

 

Di ba, Pag naninigarilyo ka, ang tungo mo, Kanser sa baga.

Pag matakaw ka, hypertension, heart attack, o stroke.

Kung ang paborito mo mga inihaw at tocino, Kanser sa kolon.

Kung ang hilig mo ay bagoong, dilis, munggo, sardinas, at kape sa umaga, arthritis.

Kung adik ka sa Kalapats, meningitis, PFL, LBM, hika, "ehem" to the max.

 

 Pwede rin sipon, ubo, lagnat, trangkaso, mawalan ng trabaho, sakit ng pamilya, o ma-mura ng Kapitbahay n'yo. Bakit? Sige, Kapatid, basa…..

May mga ilang sakit na nakukuha sa kalapati ("K"). Ito ay dahilan sa malakas silang maglagas ng balahibo, madalas at malakas dumumi, at mabilis na nahahawa ng sakit sa ibang kalapati na nakakasama. Ang
ilang sakit ng kalapati ay maaari din na direktang makahawa sa tao.

Nangunguna dito at pinakamadalas ang "ehem" na di gumagaling, at di rin humihinto. "Pigeon Fanciers Lung/Cough" (PFL) ang tawag dito. Ito ay sa dahilang ang mga alikabok-dumi, amoy, mga mikrobyo ng dumi, mga balahibo, atbp ay patuloy na nalalanghap ng nag-aalaga, kaya naiipon na at nagkakaroon ng irritasyon ang baga. Ang "ehem" ay isang depensa at reaksyon ng katawan natin upang mailabas ang mga duming na-langhap, at walang katapusan iyan habang may alagang "K". Sa mga mahina ang baga, lalo na kung may hika, ito ay maaaring magdulot ng malalim na komplikasyon. Hindi man kumpletong maiiwasan, ang PFL naman ay mababawasan sa pamamagitan ng pag-susuot ng "mask" kung lumalapit sa kulungan/kalapati. Mainam din na dalasan ang paglilinis (suot ang mask) ng kulungan upang ang mga dumi ay mawala kaagad, hindi matuyo at maging alikabok na na-lalanghap. Ehem.
Bukod sa race trophy, puwede rin na maka-kuha ng "meningitis" ang nagkakarera ng "K". Ito ay dahil sa ang "K" ay paboritong tirahan ng cryptococcus neoformans, isang amag na sa halos lahat ng pagkakataon ay nasa dumi ng kalapati. Katulad ng mga "K", ito ay lumilipad din, ngunit very short distance lang , mula sa mamasa-
masang dumi ng "K" hangang sa ilong ng nag-aalaga at patungo sa baga o sa utak. Ang pag-tama sa ulo ang may pinaka-masamang epekto. Nagkakaroon ng bukol sa loob ng ulo na dulot nuong amag. Kung sa baga naman ang na-apektuhan, kadalasa'y gumagaling naman ang baga kahit walang gamot, at madalang lang ang nagkakaroon ng sintomas sa baga. Ang masama nito, pag nalaman na may cryptococcosis ang magkakalapati, malubha na dahil nasa ulo na; masakit na ang ulo, nanginginig, may pagkamalilimutin, nalilito, o lumalabo na ang paningin.

 

Ang masama pa, kung may lagnat na kasama ay sinat lang ito, kaya akala nang may katawan ay "stress lang" yon. Depende sa lakas ng katawan, maaring dalawang linggo lang, babay na sa mundo, hangang 2 taon. Ngunit huwag mawalan ng pag-asa, may gamot ito basta maagapan…Baka
naman sa ngayon sumasakit na ulo ninyo, o lumalabo ang paningin, sige, bahala kayo, stress lang yan….

Muli, upang maiwasan ang "cryptococcal meningitis", mahalaga ang paglilinis ng K ng "K". Hindi lamang ang tuyong dumi kundi pati ang mga naipon at mamasa-masa ay may panganib din. Sa puntong ito, mas
mainam na magsuot ng "mask", "industrial grade", may nabibili kahit sa SM lang. Kung praning kayo, meron pang mas epektibo, `yung mask ng mga GI joe, sa Quiapo at Dau, Pampanga meron. Hehehehe

 

 Makakatulong ang Chlorox/Zonrox dito, dahil epektibong pang "disinfect" ito. Nakakapatay ito ng mga amag, bacteria, virus, atbp. Sa paglilinis ng kulungan, matapos matanggal ang mga dumi, spray-yan lang ang sahig, mga dapuan, at mga itlugan upang mabawasan ang mga dumi doon.

Madaming pamahiin; madalas daw nagkakasakit ang mga magka-kalapati. Tama sila, dahil di nag-iingat ang mga nag-aalaga,at baka di nag lilinis.

Ornithosis naman. Siguradong narinig na ninyo ito. Ang kalapating may sakit nito ay mahina, walang ganang kumain, "deadma", at magulo ang pakpak at balahibo. May napansin na ba kayong mag-kakalapati na ganito din? Magulo buhok? (Me pakpak?) Ito ay sa dahilang naihahawa ang "Ornithosis" sa tao, "psitaccosis" naman ang tawag. Pareho ang dahilan at iisa, Chlamiduia psitacci na nakukuha din sa dumi at mga balahibo ng kalapati. Hawig sa "meningitis" , ang sintomas nito ay lagnat, ubo, ngiki, at napakasakit na ulo. Muli, magsuot ng "mask" at mag-zonrox-linis upang maiwasan ito.

Katulad ng "ornithosis" , ang isa pang sakit, "salmonellosis" , ay naihahawa sa tao. Ang kalapating apektado nito ay matubig at malagkit ang dumi, at nanghihina. LBM ito kung mahawa sa tao. Solusyon naman dito ay simple, maghugas ng kamay matapos humawak sa kulungan, mga gamit, o mga "K".

Sa lahat ng ito, ako, tayong mga mag-aalaga ay maaaring magkasakit. Ang mas masama nito ay kung ang ating mga mahal sa buhay ang mahawa, o kahit hindi-mahal na kapit-bahay, dahil umaabot din sa kanila ang
alikabok ng dumi ng bahay ng "K" na di nalilinis. Lalo na sa mga kulungan na nasa mas mataas na palapag, dahil mas malayo ang na-aabot ng alikhabok nito. Isa itong responsibilidad na tinatanggap natin bilang mga mag-kakalapati para sa ating mga kasambahay at kasama.

Kaya, mga kaibigan, sa pag gising sa umaga, isuot na ang mask, dalhin ang zonrox, mag-linis na ng K ng "K". Kung tamad ka, wala kang K mag alaga ng "K". Maghugas ng kamay pagkatapos. At kung ayaw pa rin,
bakit? "Wala ba kayong mga Kamay?"

 

 

http://groups.yahoo.com/g roup/sportshobbies/

NUTRENA FEEDS

By : Melchor De Asis